MANILA, Philippines — Maliban sa pagsilo ng University of the Philippines ng pang-apat nilang titulo sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball ay naging masagana rin ang 2024 para sa mga individual players.
Tulad nina JD Cagulangan at Quentin Millora-Brown na naging susi ng Fighting Maroons para kalusin sa Game 3 thriller ang De La Salle University, 66-62, sa best-of-three finals series.
Maganda ang naging basketball career ni Cagulangan sa taong 2024 dahil iiwanan niya ang UP bilang kampeon.
Bukod sa pagkopo ng 5-foot-10 guard sa kanyang pangalawang korona sa UP ay nahirang siyang Finals MVP matapos magtala ng mga averages na 13.7 points, 4.3 rebounds, 4.7 assists, 1.3 steals at 0.7 blocks.
“Wala akong masabi kundi thank you, sobrang happy na napunta ako sa programang ito.” ani Cagulangan, “Deserve ng UP na manalo this season. Gusto ko mag-thank you kay coach Gold.”
Para naman kay Millora-Brown, hindi rin nito makakalimutan ang tagumpay nito sa 2024, masaya nitong iiwanan ang UP at magagandang alaala bilang athlete at estudyante.
Sinabi ni Millora-Brown na tama ang naging desisyon niyang maglaro at mag-aral sa UP upang ipagpatuloy ang pamana ng kanyang pamilya.
Inspirasyon ng 6-foot-10 Fil-Am ang kanyang lolong si Dr. Angel Millora na isang UP alumnus at nagtapos sa UP College of Medicine noong 1963.
“I thank my Lolo, I hope he’s been watching down from Heaven with my Lola up in Heaven. It’s the greatest ending to my short UAAP career.” ani Millora-Brown. “I just had a big smile after the buzzer. Basketball was one of his passions, along with medicine.”
Kalmado si Millora-Brown sa clutch matapos magsalpak ng mahahalagang free throws.
Samantala, mananatili sa puso ni Millora-Brown ang maayos na relasyon sa kanyang mga teammates, coaches at management.