MANILA, Philippines — Tinanghal na PBA Press Corps-Pilipinas Live Player of the Week si Jordan Heading ng Converge papasok sa mahabang break ng 2024 PBA Commissioner’s Cup.
Si Heading ang trumangko sa four-game winning streak ng FiberXers upang umangat sa Top 4 ng 13-team standings pagkatapos ng mga huling duwelo ngayong taon.
Nagrehistro si Heading ng 19.5 points mula sa 51-percent clip sahog pa ang 4.3 rebounds, 7.8 assists at 1.5 steals upang manduhan ang pag-angat ng Converge matapos mangulelat noong nakaraang season.
Tampok dito ang 30 points, 6 rebounds at 8 assists ng Fil-Australian sa 110-94 panalo ng Converge sa Meralco para sa 6-2 kartada katabla ang guest team Hong Kong Eastern sa likod ng NorthPort (6-1) at Rain or Shine (4-1).
Bago iyon ay kinaldag ng FiberXers ang NLEX, 102-91, Phoenix, 116-105, at Barangay Ginebra, 98-91.
Bagong salta lang ang 6-foot-2 guard na si Heading sa Converge matapos makuha mula sa Terrafirma bago ang Commissioner’s Cup.
Subalit nagpapasiklab agad upang patunayan na siya ang No. 1 pick sa special round noong 2020 PBA Rookie Draft.
Bagama’t noong 2020 na-draft, ito ang unang salang ng dating Gilas Pilipinas ace sa PBA at magandang Pamasko ang kanyang unang Player of the Week citation.
Subalit para kay Heading, bonus na lang ito dahil mas nakatuon ang kanyang atensyon sa tagumpay ng koponan lalo’t nag-a-adjust pa lang ang No. 1 rookie pick at back-to-back MPBL MVP na si Justine Baltazar.
“Our record is really what I all care about,” ani Heading na naglaro muna sa Japan at Australia bago sa PBA.