‘Never-say-die’ spirit muling ipinakita ng GSM

Pumuwersa si Scottie Thompson ng Ginebra laban kina Jerom Lastimosa at Calvin Abueva ng Magnolia.

MANILA, Philippines — Masaya at masarap ang naging Noche Buena ng Barangay Ginebra matapos ang ‘Christmas Clasico’.

Sa kanilang unang pag­haharap ngayong season ay pi­nulutan ng Gin Kings ang Magnolia Hotshots sakay ng pamosong ‘ne­ver-say-die’ spirit upang re­guluhan ang Barangay ng magandang regalo sa Kapaskuhan.

Hindi lang ang 12,198 fans sa Smart Araneta Coliseum ang umuwi nang may malalaking ngiti sa labi kundi pati ang milyun-mil­yong Pilipino sa buong Pilipinas at buong mundo matapos ang comeback win ng Gin Kings sa pambihirang Christmas Day game ng PBA.

Umahon ang Ginebra mula sa 22-point deficit para maitakas ang 95-92 panalo sa 2024 PBA Commissioner’s Cup tampok ang pamamayani nina Justin Brownlee, RJ Abarrientos at Scottie Thompson.

Nagsanib-puwersa sina Brownlee at Abarrientos sa pagbura ng Ginebra sa ma­laking tambak bago ibuslo ni Thompson ang game-winning trey sa buzzer ka­sabay ng pagdagundong ng buong Big Dome.

Iyon ang una subalit pi­nakamahalagang puntos ni Thompson sa fourth quarter para magtapos sa 14 points, 5 rebounds at 6 assists.

Kumamada naman ng 28 points, 7 rebounds, 5 assists, 1 steal at 1 block si Brownlee at tumikada ng 20 puntos, 5 assists, 3 steals at 1 block si Abarrientos.

May ambag ding 15 points, 8 rebounds, 2 assists at 2 blocks ang bagong Gin King na si Troy Rosario.

 

Show comments