MANILA, Philippines — Nakuntento ang Philippine Youth Dreamers Organization (PYD) team sa kanilang silver medal finish sa Vietnam International Basketball Tournament for Under 12 sa Ho Chi Minh, Vietnam.
Nabalewala ang malinis na record ng Team Pilipinas-PYD ni coach Beaujing Acot sa eliminations hanggang sa semifinals matapos yumukod sa Team Danang ng Vietnam, 35-36, sa finals.
Walang nangyari sa reklamo ni Acot sa itinawag na foul kay Aiden Lao ng isang Vietnamese referee na nagresulta sa kanilang kabiguan.
Inuwi pa rin ng koponan ang pilak na medalya sa kabila ng naging homecourt decision ngunit magsisilbi rin itong leksyon at inspirasyon para sa Team PYD upang mas lalo pang mapabuti ang paglalaro ng basketball ng mga batang basketbolista na nangangarap na makatungtong sa PBA o sa iba pang liga sa Pilipinas o sa labas ng bansa sa hinaharap.
Nagpapasalamat ang PYD sa walang tigil na suporta ng mga sponsors at benefactors gaya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, JH Athletics Sports Apparels, Converge ICT Solutions, Collegiate Center for ESports at ARS Cargo Movers Corporation.
Paghahandaan ng PYD ang mga aabangang torneo ngayong 2025 kagaya ng paglahok nila sa junior basketball tournament sa Guam at ang pagdaraos ng Dreamers Girls International Basketball Challenge sa Marso.