Back-to-back wins target ng Akari sa 2025
MANILA, Philippines — Bago ang Christmas break ay tinapos ng Akari ang kanilang tatlong dikit na kamalasan sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Humataw si Fifi Sharma ng personal conference-high 16 points mula sa pitong attacks, anim na blocks at dalawang aces sa 22-25, 26-24, 25-18, 25-20 pagdaig ng Chargers sa Chery Tiggo Crossovers noong Disyembre 10.
Bago ang laro ay naglista si Sharma, miyembro ng Alas Pilipinas, ng 4.8 points per game.
“For me, this game, it’s important for me kasi magkakaroon kami ng break. I want the team to go on a break knowing na we finished good,” ani Sharma.
Ang panalo ng Akari ang nagtaas sa kanilang baraha sa 3-3 matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
Sa pagbabalik ng aksyon sa Enero 18 ay lalabanan ng Chargers ang PLDT High Speed Hitters (3-2) sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umaasa ang anak ni dating PBA player Carlo Sharma na maitatala nila ang back-to-back wins laban sa High Speed Hitters.
“This sets the tone for the rest of the conference. I mean this is a long conference, so it’s not bad to lose,” wika ni Sharma.
“It’s actually good – at least napagdaanan na namin and we uncovered these problems early on so we can peak at the right time,” dagdag ng dating La Salle standout.
Sasalang din sa Enero 18 ang Farm Fresh laban sa Nxled at ang ZUS Coffee kontra sa Choco Mucho.
- Latest