Hindi mapigilan ang Rain or Shine
MANILA, Philippines — Ayaw magpaawat ng Rain or Shine matapos ang isa namang tagumpay kontra sa Terrafirma, 124-112, upang masikwat ang solo segunda puwesto sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumalikwas ang Elasto Painters sa matamlay na simula para makaiwas sa silat at maisukbit ang ikaapat na sunod na panalo buhat nang sumemplang sa Meralco, 111-121.
Umangat sa 4-1 kartada ang RoS para makabaklas mula sa Meralco (3-1).
Tanging NorthPort Batang Pier na may 6-1 marka lang ang nasa unahan ng Elasto Painters.
Nasikatuparan nila ito sa pangunguna ng 23 points ni import Deon Thompson sahog pa ang 17 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 block.
Nakakuha si Thompson ng solidong ambag mula kay Adrian Nocum na humataw ng 21 points, 7 rebounds at 2 assists.
Hindi nagpahuli sina Andrei Caracut, Santi Santillan at Anton Asistio na may 15, 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabila ng tatlong sunod na kabiguan nito ay maalat ang naging simula ng RoS nang maiwan sa 25-37 sa first quarter bago ito unti-unting tapyasin.
Nabura ito ng Elasto Painters sa halftime mula sa 38-25 birada sa second quarter para makapagtayo ng 66-62 abante bago kumawala sa second half.
Napurnada ang 26 points at 10 rebounds ni import Brandon Walton-Edwards para sa Terrafirma na bagsak sa 0-7 kartada.
- Latest