MANILA, Philippines — Nakumpleto ng Rain or Shine ang pambihirang 102-100 comeback win upang mapalawig ang streak nito sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagpakawala ng 13-0 run ang Elasto Painters upang tapusin ang laban mula sa 11-point deficit tungo sa 3-1 kartada.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng Rain or Shine matapos tumaob sa debut game nito kontra sa Meralco, 121-111, sa likod ng balanseng opensa tampok ang 5 players sa double digits.
Humakot ng 18 puntos, 14 rebounds, 1 assist, 3 steals at 3 tapal si Deon Marshall Thompson habang may 17 at 15 puntos, sina Santi Santillan at Andrei Caracut, ayon sa pagkakasunod.
“The good thing about this is ang ganda noong balik namin. Nabalikan pa namin iyon. Usually. kung iyong dating team namin kapag nag-collapse ka na ng ganyan, hindi na kami makabalik,” ani Elasto Painters coach Yeng Guiao.
May ambag na 11 puntos si Caelan Tiongson habang may 10 rin si Adrian Nocum kabilang na ang go-ahead basket para sa Elasto Painters.
Ibinuslo ni Nocum ang panlamang na puntos sa huling 3 minuto para bigyan ng 102-100 bentahe ang Elasto Painters.
Sumandal nalang ang Rain or Shine, na naiwan pa sa hanggang 12 puntos, 86-98, sa malagkit nitong depensa upang masilat ang Hotshots.
Sadsad sa ikaapat na sunod na pagkatalo ang Magnolia sa kabila ng 27 puntos, 13 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 tapal ng import na si Ricardo Ratliffe.
Kapos din ang 21 at 18 puntos nina Ian Sangalang at Mark Barroca, ayon sa pagkakasunod, para sa koponan ni coach Chito Victolero na nalaglag sa 1-4 kartada.