FiberXers rumesbak sa road warriors
MANILA, Philippines — Ibinuhos ng Converge ang ngitngit nito sa NLEX, 102-91, para makabalik agad sa win column ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Naghasik ng 37 puntos, 18 rebounds, 2 steals at 2 tapal si Cheick Diallo upang trangkuhan ang rebound win ng FiberXers at bigyan sa wakas ng unang panalo sa PBA ang No. 1 rookie pick na si Justine Baltazar.
Matatandaang nadiskaril ang debut ni Baltazar, 2-time champion at 2-time MVP ng Pampanga Giant Lanterns sa MPBL, matapos ang 108-101 na kabiguan kontra sa unbeaten na NorthPort noong nakaraang linggo.
Hindi pa rin gaanong nakapagpakitang-gilas sa 4 points, 7 rebounds at 4 assists si Baltazar subalit nakakuha ng solidong suporta mula sa ibang FiberXers upang masungkit ang debut win.
May 16 puntos, 5 rebounds, 4 assists at 2 steals si Alec Stockton habang may 14 puntos, 4 rebounds at 11 assists naman si Jordan Heading.
Nag-ambag din ng 10 puntos si King Caralipio habang may 8 at 6 puntos sina Schonny Winston at Kevin Racal, ayon sa pagkakasunod.
Angat sa 3-2 baraha ang Converge dahil sa panalo na minitsahan nila sa unang salang agad.
Sa bandera ni Diallo, umariba sa 28-18 na iskor ang mga bataan ni coach Franco Atienza at hindi na lumingon pa tungo sa madaling tagumpay.
Hindi na nakaahon pa ang Road Warriors para sa ikalawang sunod nitong pagkatalo.
- Latest