NEW YORK — Umiskor si Evan Mobley ng 21 points habang may 19 markers si Caris LeVert para banderahan ang Cleveland Cavaliers sa 130-101 paggupo sa Brooklyn Nets.
Naglista si Donovan Mitchell ng 18 points at 5 assists at may 17 markers si Georges Niang para sa ikalawang sunod na ratsada ng Cavaliers (23-4).
Pinamunuan ni Cameron Johnson ang Nets (10-16) sa kanyang 22 points at nag-ambag si Day’Ron Sharpe ng 15 points at 7 rebounds.
Binuksan ng Brooklyn ang laro sa 7-0, ngunit naghulog ang Cleveland ng isang 32-5 bomba para tapusin ang first quarter bitbit ang 20-point lead na pinalobo pa nila sa second half patungo sa panalo.
Sa Inglewood, California, tumipa si James Harden ng 41 points para tulungan ang Los Angeles Clippers (15-12) sa 144-107 pagmasaker sa Utah Jazz (5-20).
Sa Sacramento, ipinasok ni Jamal Murray ang isang 16-foot jumper sa huling 8.6 segundo para sa 130-129 pagtakas ng Denver Nuggets (14-10) sa Kings (13-14).
Sa Detroit, nagsalpak si Tim Hardaway Jr. ng tatlong 3-pointers sa overtime sa 125-124 pag-eskapo ng Pistons (11-16) sa Miami Heat (13-11).
Sa Toronto, nagposte si Nikola Vucevic ng 24 points habang may 19 markers si Coby White sa 122-121 paglusot ng Chicago Bulls (12-15) sa Raptors (7-20).
Sa Charlotte, nagpaputok si Tyrese Maxey ng 40 points at nagdagdag ng 33 markers si Paul George para igiya ang Philadelphia 76ers (8-16) sa 121-108 paggupo sa Hornets (7-19).
Nagtala si Kelly Oubre Jr. ng 19 points habang humablot si veteran center Andre Drummond, sumalo sa naiwang trabaho ni injured Joel Embiid, ng 15 rebounds para sa 76ers.