MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay hinirang si Jude Garcia bilang Spikers’ Turf Most Valuable Player of the Conference.
Matapos angkinin ang MVP trophy sa 2024 Open Conference, dinuplika ito ng Criss Cross star sa Invitational Conference.
Pinamunuan ng 5-foot-11 outside spiker ang men’s premier league sa scoring sa elimination round sa kanyang 150 total points mula sa 132 spikes, 14 kill blocks at 4 service aces.
Kinilala ring top spiker ang 26-anyos na produkto ng Far Eastern University sa kanyang 53.88 percent success rate bukod sa pagiging No. 7 sa floor defense mula sa 47.28 percent efficiency rate.
Samantala, kinilala naman sina King Crunchers’ newcomer Nico Almendras at Savouge Spin Doctors’ rising star Shawie Caritativo bilang Best Outside Spikers.
Pumuwesto si Almendras sa No. 11 sa scoring sa kanyang 85 points, No. 2 sa service (0.27 per set), No. 8 sa reception (45.40 percent) at No. 9 sa spiking (40.59 percent).
Pang-walo naman si Caritativo sa scoring sa hinampas na 92 points, No. 6 sa spiking (43.32 percent success rate) No. 8 sa aces (0.18 per set,) at No. 9 sa reception (42.53 efficiency rate).