MANILA, Philippines — Mamumuro sa playoffs ang unbeaten na NorthPort kontra sa kulelat na Phoenix, habang magpapambuno ang Converge at NLEX sa 2024 PBA Commissioner’s Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Unang sasabak ngayong alas-5 ng hapon ang FiberXers (2-2) at Road Warriors (3-2) na nasa gitna ng standings bago ang sagupaan ng Batang Pier (5-0) at Fuel Masters (0-4) sa alas-7:30 ng gabi.
Nasa tuktok ng 13-team standings ang NorthPort bilang natatanging koponan na walang galos at walang balak magpasugat sa Phoenix upang makalapit ng isang hakbang sa siguradong tiket sa quarterfinals.
Huling nabiktima ng NorthPort ang pinalakas na Converge kahit pa nakasama na si No. 1 rookie pick Justine Baltazar sakay ng 108-101 tagumpay noong Huwebes.
Bago iyon, kinaldag ng NorthPort ang NLEX, 114-87, Terrafirma, 113-101, Mganolia, 107-103 at TNT, 100-95.
Bumida sa bigating panalo ang PBA Press Corps Player of the Week na si Joshua Munzon sa likod ng 30 points katambal ang import na si Kadeem Jack at ace player na si Arvin Tolentino.
Sila ang muling aasahan ni coach Bonnie Tan upang mapanatili ang malinis na kartada kahit pa matinding balikwas para sa unang panalo ang inaabangan mula sa Phoenix.
Wala pang panalo sa apat na sa sabak ang koponan ni coach Jamike Jarin matapos yumukod kontra sa guest team na Hong Kong Eastern, 102-87, Meralco, 111-109, San Miguel, 107-104 at Ginebra, 94-72.