WASHINGTON — Nagposte si Jayson Tatum ng 28 points at 12 rebounds para banderahan ang nagdedepensang Boston Celtics sa 112-98 pagpisak sa Wizards.
Sa kanyang pagbabalik matapos mawala sa dalawang laro dahil sa knee issue, tinulungan ni Tatum ang Boston (21-5) na makuha ang pang-pitong sunod na panalo sa duwelo nila ng Washington (3-21).
Nag-ambag si Payton Pritchard ng 15 points mula sa limang three-point shots, habang may 15 markers din si Derrick White.
Pinangunahan ni Jordan Poole ang Wizards sa kanyang 21 points at may 19 markers si Bilal Coulibaly.
Ito ang kanilang ikatlong dikit na kamalasan at 16 sa huli nilang 17 laro.
Isang 15-0 atake ang ginawa ng Celtics sa pagitan ng first at second quarters para kunin ang 39-23 abante patungo sa panalo.
Sa San Francisco, inilista ni Luka Doncic ang kanyang ika-80 career triple-double sa tinapos na season-high 45 points, 13 assists at 11 rebounds para gabayan ang Dallas Mavericks (17-9) sa 143-133 panalo sa Golden State Warriors (14-11).
Sa Orlando, bumira si Jalen Brunson ng 31 points at humakot si Karl-Anthony Towns ng 22 points at 22 rebounds sa 100-91 panalo ng New York Knicks (16-10) sa Magic (17-11).
Sa Indianapolis, umiskor si Pascal Siakam ng 22 points at tumipa si Tyrese Haliburton ng 21 points at 10 assists sa 119-104 paggupo ng Indiana Pacers (12-15) sa New Orleans Pelicans (5-22).
Sa San Antonio, bumanat si Anthony Edwards ng 26 points para ihatid ang Minnesota Timberwolves (14-11) sa 106-92 pagpapatumba sa Spurs (13-13).
Sa Phoenix, kumamada si Devin Booker ng 28 points para tulungan ang Suns (14-11) sa 116-109 pagtunaw sa Portland Trail Blazers (8-18).