MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng national gymnastics team ang kampanya nito sa 2024 season matapos humakot ng kabuuang 14 gintong medalya sa Chiu Wai Chung Cup na ginanap sa Hong Kong.
Bumandera sa ratsada ng Pinoy squad si Karl Eldrew Yulo matapos humakot ng walong gintong medalya sa kaniyang dibisyon.
Unti-unting gumagawa ng sariling pangalan si Yulo nang pagharian nito ang juniors individual all-around para magarbong simulan ang kampanya nito sa torneo.
Hindi nagpaawat si Yulo nang walisin nito ang anim na gintong medalya sa individual apparatus na floor exercise, vault, parallel bars, horizontal bar, pommel horse at still rings.
Bukod pa rito ang gintong medalyang nakamit ni Yulo sa team event ng junior men’s artistic gymnastics.
Si Yulo ang nakababatang kapatid ni Carlos Edriel Yulo na sumungkit ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Sa kabuuan, humakot ang national gymnastics team ng 14 ginto, anim na pilak at limang tanso sa naturang torneo.
Nagdagdag ng tatlong ginto si Miguel Besana sa men’s seniors individual all-around, floor exercise at pommel horse, habang nasiguro naman ni Justine Ace De Leon ang gintong medalya sa men’s still rings at parallel bars.
Nakahirit pa ng ginto ang tropa sa seniors men’s team event.