Breaks of the game
Served to the max ang “one-and-done” stint ni Quentin Millora-Brown sa UAAP.
Limitado sa isang season dahil sa naunang paglalaro sa US college basketball, nasulit ni Millora-Brown ang maigsing panahon sa pagtulong sa UP Maroons sa pagresbak sa 2023 UAAP season champs La Salle Green Archers.
Solid 14-point, 10-rebound double-double na sinahugan ng one assist, one steal at one block ang malaking ambag ni Millora-Brown sa kanilang 66-62 title-clinching win sa harap ng apaw na crowd sa Smart Araneta Coliseum.
Tinindigan niya ang kanyang mabigat na matchup kontra Mike Phillips (18 points, two rebounds, two assists, one steal at one block) at umukit ng malaking marka sa kanyang one season bilang UP Maroon.
Kasama ang kontribusyon nina JD Cagulangan, Francis Lopez, Gerry Abadiano at Harold Alarcon, naibalik ang korona sa Diliman matapos ang masaklap na pagtupi ng Maroons noong 2022 at 2023.
Hindi rin malilimot siyempre si Cagulangan.
Iiwan niya ang Maroons na dala ang two UAAP rings na napanalunan sa loob ng apat na taon.
Ang star na hindi kuminang sa all-or-nothing showdown eh, si Kevin Quiambao dahil sa napakasamang break.
Pansamantala lang sanang ipapahinga matapos burahin ang 14-point deficit.
Ibinalik si “KQ” sa officials’ table sa last 5:12 mark, pero ang masaklap, matagal hindi nagka-deadball at nakabalik sa laro ang King Archer na halos isang minuto na lang ang natitira sa oras.
Hindi na bumalik ang break sa Archers at nakalusot ang Maroons para angkinin ang kampeonato.
- Latest