MANILA, Philippines — Ipinakita nina JD Cagulangan, Francis Lopez at Quentin Millora-Brown ang tibay ng kanilang dibdib nang akbayan nila ang University of the Philippines sa dikdikang labanan at kalusin ang De La Salle University, 66-62 sa do-or-die Game 3 ng UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Nahirang na Finals Most Valuable Player si graduating student Cagulangan matapos irehistro ang 13.66 points, 4.33 rebounds, at 4.66 assists sa best-of-three showdown sa pagitan ng UP at DLSU.
Lamang ng anim na puntos ang UP sa simula ng fourth quarter, 56-50 pero naitabla ito ng La Salle sa 58-all may 7:11 minuto pa sa orasan.
Pero muling kumalas ang Fighting Maroons sa sinalpak ni Cagulangan na tres para hawakan ang tatlong puntos na bentahe, 61-58 may 8:54 pa ang nalalabi.
Muling dumikit ang Taft-based squad, 60-61 subalit si Lopez naman ang nagpalayo sa ipinasok na three-point shot, 64-60 may 1:12 minuto pa.
Nabuhayan pa rin ang La Salle dahil natapyasan ng dalawa ang kanilang hinahabol, 62-64 pero sinelyuhan ito ni Millora-Brown ng dalawang free throws para maibalik sa bakuran ng UP ang korona.
Sa Season 84 si Cagulangan ang nagsalpak ng panelyong tres upang makalsuhan ng UP sa Game 3 ang 36 taon na pagkauhaw sa korona.
At ngayon ay natuldukan din ni Cagulangan at ng UP ang dalawang seasons (85 at 86) na natalo sila sa Game 3 kontra Ateneo at DLSU, ayon sa pagkakasunod.