Mayang (76)

“HALIKA na, Jeff, kumain na tayo ng hapunan habang maaga pa. Mahirap kapag inabutan ng dilim. Matagal nang inaasam nang marami na magkaroon ng kuryente rito pero wala pa rin hanggang ngayon,’’ sabi ni Lolo Nado at ibinaba sa mesa ang umuusok na tino­lang maya-maya na nakalagay sa malaking mangkok.

“Dapat po talaga ay mayroon nang kuryente rito para magkaroon ng kaunlaran. Kapag walang kuryente, malayo sa kabihasnan ang mga tao.’’

“Tama ka, Jeff. Dito kasi ang mga namumuno ay pangsarili ang inuuna. Bulsa muna nila ang pinupuno ng pera at bahala na ang bumoto sa kanila.’’

“Eksakto po ang sinabi mo Lolo Nado.’’

Ang umuusok na kanin naman ang ibinaba ni Lolo Nado sa mesa. Napakabango ng kanin.

“Ang bango ng kanin Lolo! Maliliit ang butil!’’

“’Yan ang tinatawag na bigas na binuhangin. Ani ko yan sa kaingin. Mahal ang bigas na yan.’’

“Napakabango at mukhang malambot!’’

“Sige kain na, Jeff. Humigop ka ng sabaw para manumbalik ang lakas mo. Alam kong pagod na pagod ka na sa paghahanap kay Mayang.’’

“Tama ka Lolo Nado. Mula nang dumating ako galing abroad, hindi na ako tumigil sa paghahanap kay Mayang.’’

“Alam ko Jeff. Sige kain na tayo.’’

Kumain sila. Humigop ng sabaw ng tinola si Jeff. Masarap ang hagod sa lalamunan. Tamang-tama ang anghang ng luya.

Masarap ang kanin. Malambot at madulas.

“Sige kumain ka pa, Jeff. Marami pa sa kaldero.”

“Opo Lolo Nado. ­Palagay ko tataba ako kapag dito ako titira.”

“Sana nga ay dito ka na manirahan.’’

“Sana magkatotoo ang wish mo Lolo.’’

“Kung dito ka titira, maaalagaan ang iniwang lupa ng mga magulang ni Mayang.’’

“Iyon po ay mangyayari kung matatagpuan ko si Mayang, Lolo. Pero hangga’t hindi ko siya nakikita, hindi mangyayari ang pagtira ko rito.’’

“Maniwala ka sa akin, makikita mo si Mayang!’’

“Naniniwala ako Lolo.’’

“Bukas, hahanapin natin si Mayang.’’

“Opo Lolo!’’

 (Itutuloy)

Show comments