Quiambao, La Salle tatapusin ang UP

Si Mike Phillips ng La Salle laban sa UP defender sa Game 2.

MANILA, Philippines — Tabla ang serye sa 1-1 kaya bawal nang kumurap.

Muling ipantatapat ng defending champions De La Salle University si back-to-back Most Valuable Player Kevin Quiambao pagharap nila sa University of the Philippines sa do-or-die Game 3 finals ng UAAP Season 87 men’s basketball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.

Si Quiambao ang pa­ngunahing armas ng DLSU matapos niyang akbayan ang koponan sa Game 2 upang mapahaba ang serye.

Kaya wala ng bukas para sa DLSU at UP pagsimula ng kanilang bakbakan sa alas-5:30 ng hapon.

Pero naniniwala si Quiambao na ang heart and soul ng kanilang team ay si Mike Phillips. 

“Siya yung heart and soul ng La Salle basketball team, hindi ako,” kuwento ni Quiambao. “So kay Kuya Mike, credit sa’yo. I know pinaghirapan mo to lahat. I’m so blessed na maging teammate mo,”

Pagkapanalo ng Green Archers sa Game 2 ay halos napunta lahat ng papuri kay Quiambao dahil sa krusyal back-to-back treys nito kaya natabunan ang go-ahead basket ni Phillips na siyang nagdala sa koponan sa ibabaw, 76-75.

“Isa siya sa mga leader sa team namin. Siya yung focal point namin palagi.” ani Quiambao.

Kaya maliban kay Quiambao, kakapitan din ni DLSU head coach Topex Robinson si Phillips para masungkit ang ikalawang sunod na kampeonato.

Para sa Fighting Maroons, ihaharap nila sina JD Cagulangan, Francis Lopez at Quentin Millora-Brown para mabago ang kasaysayan nila at mu­ling maibalik ang korona sa kanilang bakuran.

Show comments