MANILA, Philippines — Tumalon sa world No. 43 ang Gilas Pilipinas girls ayon sa pinakabagong listahan ng FIBA world women’s rankings.
Galing sa No. 49, umangat ng anim na puwesto ang Nationals hawak ang 251 puntos matapos pag-reynahan ang 2024 FIBA U18 Women’s Asia Championship noong Hunyo sa Shenzhen, China.
Dahil dito ay ika-7 na ang Gilas sa buong Asya sa likod lang ng Australia (world No. 5), Japan (No. 6), China (No. 18), South Korea (No. 21), New Zealand (No. 24) at Chinese Taipei (No. 27).
Australia ang kampeon, runner-up ang China habang bronze medalist naman ang Japan sa FIBA Asia Division A na sasaluhan na ng Gilas dahil sa promotion mula sa Division B.
Winalis ng Gilas ang Division B, 5-0, tampok ang 95-64 panalo kontra sa Lebanon sa finale.
Numero uno pa rin sa mundo ang USA, tangan ang 824.9 puntos, matapos walisin ang FIBA U17 Women’s World Cup na ginanap sa Mexico.