MANILA, Philippines — Matagumpay ang naging pagbabalik ni Leo Austria bilang head coach ng San Miguel matapos ang 106-88 panalo kontra sa Terrafirma sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Ibinalik ng SMB bilang chief tactician si Austria kapalit ni Jorge Gallent at hindi niya binigo ang Beermen sa maugong na comeback upang magabayan sila sa tagumpay matapos ang dalawang sunod na kabiguan.
Head coach ng SMB si Austria tampok ang siyam na titulo simula noong 2014 bago maitalagang team consultant noong nakaraang taon.
Bumida sa pagbabalik ni Austria si import Torren Lorenzo Jones na may 24 points, 13 rebounds, 3 assists at 1 block para makabalik sa winning column ang SMB sa 2-2 matapos tumaob kontra sa NLEX, 104-99, at Rain or Shine, 107-93.
Nakatulong niya si 8-time PBA MVP June Mar Fajardo na may 21 points, 19 rebounds at 7 assists.
Umalalay sina CJ Perez, Juami Tiongson at Don Trollano na may 16, 12 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Kontra sa Dyip, hindi agad nakaratsada ang Beermen sa first half nang lumamang lang ng 47-39 bago tuluyang nilasing ang karibal sa second half kung saan sila umabante ng hanggang 21 puntos.
Ito ang unang paghaharap ng dalawang koponan matapos ang trade tampok sina Tiongson at Andreas Cahilig pa-SMB kapalit nina Terrence Romeo at Vic Manuel.
Laglag sa 0-5 ang Dyip sa kabila ng hinakot na 18 points at 18 rebounds ni Brandon Walton-Edwards at 14 markers ni Mark Nonoy.