Batang Manda wagi sa Presidential Gold Cup
MANILA, Philippines — Pinagwagian ng Batang Manda ang 2024 PCSO “Presidential Gold Cup” race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Kaagad naging agresibo ang Batang Manda sa largahan nang sunggaban nito ang unahan paglabas ng aparato at nakalamang ng dalawang kabayo.
Subalit kinapitan ang Batang Manda ng Basheirrou, habang nasa pangatlong puwesto ang Don Julio.
Hindi nagpabaya ang Batang Manda at hinayaan nitong istorbohin ng Basheirrou na sa bandang labas dumaan hanggang sa kalagitnaan ng karera.
Nanatiling nasa unahan ang Batang Manda habang papalapit sa far turn pero kumukuha na ng segundo puwesto ang Don Julio, nasa tersero ang Basheirrou at nasa tabing balya ang Easy Does It.
Tinawid ng Batang Manda ang meta na may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang Don Julio, pangatlo ang Sonic Clay at pang-apat ang Easy Does It.
Ginabayan ni dating Philippine Sportswriters Association Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema, inirehistro ng Batang Manda ang tiyempong 2:06 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P7.2 milyong premyo.
Nakopo ng second placer na Don Julio ang P2.4 milyon, naibulsa ng Sonic Clay ang P1.2milyon at napunta sa Easy Does It ang P600,000.
- Latest