MANILA, Philippines — Pakay ng NorthPort ang solo liderato habang matamis na higanti ang hangad ng Talk ‘N Text sa pagpapatuloy ng 2024 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Nakakasa ang duwelo sa alas-5 ng hapon bago ang main game sa pagitan ng NLEX at San Miguel sa alas-7:30 ng gabi.
Katabla ngayon ng NorthPort ang Meralco sa tuktok ng standings hawak ang parehong 3-0 kartada kaya kung makakalusot ay makakapuhunan na agad sa tangka nitong makapag-martsa sa playoffs.
Muling aasa ang mga bataan ni coach Bonnie Tan sa super import na si Kadeem Jack matapos trangkuhan ang NorthPort sa dikit na 107-103 panalo kontra sa Magnolia.
Doon ay tumikda siya ng 30 puntos at 11 rebounds sahog pa ang 2 steals at 2 tapal upang mapanatiling walang bahid ng mantsa ang NorthPort papasok sa duwelo kontra sa TNT.
Bukod kay Jack, babandera sa Batang Pier ang Mythical Five member na si Arvin Tolentino kasama sina Joshua Munzon, Fran Yu, Evan Nelle, Will Navarro at Cade Flores.
Subalit hindi magiging madali ang misyon ng NorthPort lalo’t gutom na TNT ang makakatapat nila na kagagaling lang sa 105-84 na pagkatalo sa guest team na Hong Kong Eastern.