Cignal tinalo ang Nxled sa Cebu

MANILA, Philippines —  Winalis ng Cignal HD ang minamalas na Nxled, 25-18, 25-22, 25-23, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Minglanilla Sports Complex sa Cebu City.

Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng HD Spikers para solohin ang liderato kasabay ng pag­huhulog sa Chameleons sa pang-limang dikit na kamalasan.

Pumalo si Vanie Gandler ng 13 points mula sa 9 attacks, 3 blocks at isang service ace habang may 10 markers si Ces Molina para banderahan ang Cignal.

“I’m really happy with my team. It’s really a team effort and we were able to survived the distractions that happened,” ani Gandler.

Ang tinutukoy ni Gandler ay ang power o­utage sa venue na tumagal ng 15 minuto kung saan angat ang Nxled sa 16-14.

Matapos ito ay inagaw ng tropa ni coach Shaq delos Santos ang 19-16 bentahe patungo sa 24-21 kalamangan mula sa  hataw ni rookie Ishie Lalongisip.

Pumalag ang Chameleons sa 22-24 matapos ang block kill ni Kyla Atienza sa hataw ni Lalongisip.

Tinapos naman ni Molina ang laro para sa HD Spikers sa kanyang matulis na spike.

Show comments