Mojdeh nagparamdam na sa SEA Age
MANILA, Philippines — Bumanat agad ng pilak na medalya si Micaela Jasmine Mojdeh sa pagsisimula ng 46th Southeast Asian Age Group Swimming Championships na ginaganap sa Assumption University Suvarnabhumi Campus swimming pool sa Bangkok, Thailand.
Muntik na makuha ni Mojdeh ang gintong medalya ngunit kinapos lamang ito sa huling sandali ng gitgitang bakbakan upang magkasya lamang sa pilak na medalya sa girls’ 16-18 100m butterfly event.
Naitala ni Mojdeh ang isang minuto at 3.40 segundo — gahibla lamang mula kay gold medal winner Thitiphon Kertsriphan ng host Thailand na may 1:03.39 na naisumite.
Maliban sa pilak ni Mojdeh, humirit pa ang Team Philippines ng isang pilak at isang tanso sa boys’ division.
Naibulsa ni Jamesray Ajido ang pilak sa boys’ 14-15 50m freestyle kung saan naisumite nito ang 24.63 segundo.
Nanguna si Jirapat Chayangsu ng host Thailand na may 24.11 segundo habang pumangatlo naman ang isa pang Thai na si Ktanont Petchaaratn na naorasan ng 24.79 segundo.
Napasakamay naman ni Ivo Nikolai Enot ang tanso (58.05 segundo) sa boys’ 16-18 100m backstroke na pinagharian ni Jason Donovan Yusuf ng Indonesia na nagtala ng bagong SEA Age Group record na 56.52 segundo.
- Latest