Ika-2 sunod target ng Capital1
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Capital1 Solar Energy ang ikalawang sunod na ratsada sa pagagupa sa minamalas na Galeries Tower sa 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Solar Spikers ang Highrisers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Cignal HD Spikers at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa Minglanilla Sports Complex sa Cebu City.
Galing ang Capital1 sa 21-25, 25-21, 25-15, 25-18 pagdaig sa Nxled para sa kanilang 1-3 baraha.
“Mas kailangan pa po naming mas maging consistent sa ginagalaw namin sa loob ng court and mas kalangan pa po namin ipakita ‘yung tapang namin sa loob ng court,” ani Heather Guino-o na pumalo ng 21 points sa nasabing panalo.
Nakalasap naman ang Galeries Tower ng 22-25, 16-25, 19-25 kabiguan sa ZUS Coffee para sa 0-4 marka.
Sa unang laro, target ng Cignal ang kanilang ikaapat na sunod na panalo para masolo ang liderato sa pagsagupa sa Nxled.
Huling biniktima ng HD Spikers ang Choco Mucho Flying Titans, 25-18, 25-18, 20-25, 25-22, para sa kanilang ikatlong dikit na arangkada.
Talo naman ang Chameleons sa Solar Spikers, 25-21, 21-25, 15-25, 18-25, sa huli nilang laban.
- Latest