4th win dinagit ng Hawks

Ang pag-drive ni Hawks’ guard Trae Young para maagaw ang bola kay Javonte Green ng Pelicans.

ATLANTA — Naglista si Trae Young ng 12 points at 15 assists para sa kanyang ika-15 double-double sa season at dinagit ng Hawks ang New Orleans Pelicans, 124-112, para sa kanilang ikaapat na sunod na ratsada.

Umiskor si De’Andre Hunter ng team-high 22 markers mula sa bench para banderahan ang Atlanta (11-11).

Naglista si CJ McCollum ng 29 points para sa New Orleans (4-18) na bagsak sa pang-siyam na dikit na kamalasan.

Nagdagdag si Dejounte Murray ng 10 assists at 7 points sa kanyang pagbabalik sa Atlanta matapos i-trade ng Hawks sa Pelicans na problemado sa kanilang mga injured players.

Kasama sa injury list ng New Orleans sina star pla­yers Zion Williamson at Brandon Ingram.

Sa Boston, humataw si Jaylen Brown ng 29 points habang may 25 markers si Payton Pritchard sa 108-98 pagpapatumba ng nagdedepensang Celtics (17-4) sa Miami Heat (9-10).

Sa Minneapolis, kumamada si Julius Randle ng 18 points at humakot si center Rudy Gobert ng 17 points at 12 rebounds para gabayan ang Minnesota Timberwolves (10-10) sa 109-80 pagpulbos sa Los Angeles Lakers (12-9).

Sa Chicago, nagposte si Josh Giddey ng triple-double na 20 points, 13 rebounds at 11 assists para banderahan ang Bulls (9-13) sa 128-102 pagsuwag sa Brooklyn Nets (9-13).

Show comments