Duwelo ng Creamline at Choco Mucho

Alyssa Valdez at Sisi Rondina

MANILA, Philippines — Muling magtutuos ang mag-utol na Creamline at Choco Mucho matapos ang bakbakan nila sa na­karaang Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference championship series.

Nakatakda ang upakan ng nagdedepensang Cool Smashers at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang laban ng PLDT High Speed Hitters at Chery Tiggo Crossovers sa alas-4 ng ha­pon sa Smart Araneta Co­liseum.

Magkadikit sa liderato ang PLDT at Cignal HD sa mag­kapareho nilang 3-0 baraha sa itaas ng Creamline (2-0), ZUS Coffee (2-1), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (2-1), Choco Mucho (2-2), Akari (2-2), Farm Fresh (1-2), Capital1 (1-3), Nxled (0-4) at Galeries Tower (0-4).

Huling biniktma ng Cool Smashers ang Akari Chargers, 26-24, 25-17, 25-16, tampok ang pagba­balik ni three-time PVL MVP Tots Carlos.

Dahil sa knee injury ay hindi nakalaro si Carlos sa nakaraang PVL Reinforced Conference at sa In­vitational Conference.

Nauna na ring nagba­lik-aksyon si Alyssa Valdez.

“Siyempre, sa team, ma­haba ‘yung season, so kailangan naming mag-ikot ng mga tao para hindi mauubos ‘yung mga tao. Gi­nagawa namin ‘yung best namin para makabalik agad,” sabi ng 26-an­yos na si Carlos.

Nakalasap naman ang Flying Titans ng 18-25, 18-25, 25-20, 22-25 pag­ka­talo sa HD Spikers sa huli nilang laro.

Bukod kina Carlos at Valdez ay muli ring aasahan ng Creamline sina Michele Gumabao, Je­ma Galanza at Bea De Leon katapat sina Sisi Ron­dina, Royse Tubino, Dindin Santiago-Manabat at Kat Tolentino ng Choco Mucho.

Show comments