MANILA, Philippines — Ilang araw na lang at muling masisilayan ang Constatic Offer na sasalang sa 3rd Leg Juvenile Stakes Race sa Sabado sa sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Kabilang ang Constatic Offer sa anim na mahuhusay na kabayong lalahok para makipagtagisan ng bilis.
Paniguradong markado sa laban ang 1st at 2nd Legs winner na Constatic Offer kontra sa lima pang nagsaad ng pagsali sa 1,400 meter race.
Pag-aagawan ang garantisadong P1.8 milyon na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta ang ibang kasali ay ang Asterling Pounds, Black Jack, Coming Earli, El Jaleo at Midnight Bell.
Isang panalo pa at mawawalis ng Constatic Offer ang event at maukit ang pangalan sa history ng karera.
Nasikwat ng Constatic ang first leg noong Oktubre 27 kasunod ang second leg noong Nobyembre 10.
Mananatiling si class A rider O’Neal Cortez ang gagabay sa Constatic Offer at tiyak na mapapalaban sa Asterling Pounds at Midnight Bell na sasakyan nina Philippine Sportswriters Association Jockey of the Year awardees John Alvin Guce at Jonathan Basco Hernandez, ayon sa pagkakasunod.