MANILA, Philippines — Nagningning ang gabi ng National University Pep Squad matapos mahirang na kampeon sa katatapos na UAAP Season 87 Cheerdance Competition na ginanap sa SM Mall of Asia Arena, kahapon.
Sinakmal din ng Bulldogs ang lahat ng special awards, ito’y ang MWell Power Performance, Juicy-fied Pyramid, AIA Ascend Best Aerial Performance, Jollibee Best Toss, Silka Stay Lit Dance Move, Skechers Stylish Performance, Yamaha Most Unique Dance Move, at ang MAX Most Synchronized Dance Move para sa kabuuang P280,000 cash prize.
Napanalunan din ng NU ang premyong P50,000 mula sa UAAP at karagdagang P50,000 na galing sa Dunkin Donuts sa pagkakasilo nila ng pang-walong titulo.
Sinaksihan ng mahigit na 19,121 fans, ipinakita ng NU ang kanilang tikas sa routine at kompiyansa sa paghagis ng kanilang mga dancers sa ere upang makalikom ng 713 points sapat para matablahan nila ang University of the Philippines Pep squad at University of Sto. Tomas Salinggawi Dance Troupe sa pinakamaraming inuwing korona sa nasabing event.
Nakopo ng Adamson University Pep Squad ang second place sa nalikom ng 679.5 pts. habang third ang pinatalsik sa trono na Far Eastern University sa nilistang 650 puntos.
Pumang-apat ang UE na gumamit ng Sexbomb theme, (641 pts.), fifth ang Batang 90s ng UST (634.5 pts.), pang-anim ang UP (560 pts.).