Tolentino ‘di matinag sa POC
MANILA, Philippines — Si Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang patuloy na mamamahala sa Philippine Olympic Committee (POC).
Humakot si Tolentino ng 45 boto kumpara sa 15 ni Chito Loyzaga ng baseball association sa POC elections kahapon sa East Ocean Palace Restaurant sa Parañaque City.
Ang 61 voting members ay kinabibilangan ng 58 National Sports Associations (NSAs), nina EJ Obiena at Nesthy Petecio ng Athletes’ Commission at ni International Olympic Committee (IOC) representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski.
Nailuklok ang 60-anyos na si Tolentino bilang POC president noong 2019 hanggang 2020 sa isang special election matapos iwanan ni Ricky Vargas ang puwesto.
Sa isang regular pool ay nahalal siyang muli noong 2021 at nagsilbi hanggang ngayong taon.
Ayon sa pangulo ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling), ipagpapatuloy niya ang kanyang programa sa POC na nagresulta sa matagumpay na kampanya ng Team Philippines sa nakaraang dalawang Olympic Games.
Binuhat ni lady weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa Tokyo Games noong 2021 kasunod ang double-gold ni gymnast Carlos Edriel Yulo sa Paris nitong taon.
Dinomina rin ng “Working Team” ni Tolentino ang mga posisyon sa POC.
Wagi sina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio (first vice president), Richard Gomez ng modern pentathlon (second vice president), Jose Raul Canlas ng surfing (treasurer) at Don Caringal ng volleyball (internal auditor).
Nailuklok sa POC Executive Board sina Len Escollante ng canoe kayak, Alvin Aguilar ng wrestling, Ferdie Agustin ng jiu-jitsu, Ali Sulit ng judo at Leah Gonzalez ng fencing.
- Latest