MANILA, Philippines — Kikilalanin ang husay at galing ni two-time Olympic medalist Nesthy Petecio kung saan bibigyan ito ng Sports Idol sa 2024 Nickel Asia Corporation Siklab Youth Sports Awards sa Disyembre 5 sa Market!Market! Activity Center Ayala Mall BGC.
Umani si Petecio ng pilak na medalya sa boxing competiton ng 2020 Tokyo Olympics at tanso naman sa 2024 Paris Olympics kaya’t hindi maikakaila na isa ito sa mga tinitingala sa mundo ng boksing.
Magandang role model si Petecio para sa 80 youth at junior athletes mula sa 37 sports na gagawaran ng parangal.
Nangunguna sa listahan sina world junior champions Tachiana Mangin ng taekwondo, weightlifters Angeline Colonia at Lovely Inan sa mga Young Heroes awardees kasama sina 2024 US Junior Girls champion Rianne Mikhaela Malixi ng golf at wushu artist Alexander Gabriel Delos Reyes.
Kasama rin sa listahan sina Asian junior gymnastics gold medalist Karl Eldrew Yulo at table tennis youth champion Kheith Rhynne Cruz sa awards ceremony na inorganisa ng Philippine Sports Commission-Philippine Paralympic Committee-Philippine Olympic Committee (PSC-PPC-POC) Media Group.
Suportado ito ng MVP Sports Foundation, Ayala Malls, CEL Logistics, Go For Gold, Milo, San Miguel Corporation, Barley+Wheatgrass Entrepro, Pacquiao Coffee at Smart.