Nuggets tinambakan ng Knicks

Ang pagdakdak ni OG Anunoby ng Knicks laban kay Jamal Murray ng Nuggets.

DENVER — Nagpaputok si OG Anunoby ng career-high 40 points at naglista ang New York Knicks ng team record-tying 45 assists sa 145-118 pagbugbog sa Nuggets.

Tumipa si Jalen Brunson ng 23 points at career-best 17 assists para sa New York (10-7) na naunang nagposte ng 45 assists laban sa Cleveland noong Nobyembre 24, 1979.

Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 30 points at 15 rebounds.

Pinamunuan ni Russell Westbrook ang Denver (9-7) sa kanyang 27 points kasunod ang 22 markers ni Nikola Jokic.

Kinuha ng Knicks ang 22-point halftime lead bago kunin ang 30-point lead na tuluyan nang nagbaon sa Nuggets sa fourth quarter.

Sa Boston, umiskor si Jayson Tatum ng 20 points at naghulog ang nagdedepensang Celtics (15-3) ng 22 triples sa 126-94 paggupo sa Los Angeles Clippers (11-8).

Sa Memphis, nagtala si Ja Morant ng 22 points at 11 assists sa 123-98 pagsakmal ng Grizzlies (11-7) sa Portland Trail Blazers (7-11).

Sa Atlanta, kumamada si Kyrie Irving ng 32 points sa 129-119 dominasyon ng Dallas Mavericks (10-8) sa Hawks (7-11).

Sa Indianapolis, nagkuwintas si Tyrese Haliburton ng 34 points at 13 assists para igiya ang Indiana Pacers (8-10) sa 114-100 panalo sa New Orleans Pelicans (4-14).

Show comments