Chery Tiggo, Nxled unahan sa panalo

MANILA, Philippines — Pilit na babangon ang Chery Tiggo sa kabiguan, habang ang makasampa sa win column ang layunin ng Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.

Maghaharap ang Crossovers at Chameleons ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng PLDT High Speed Hitters at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Tabla sa liderato ang PLDT, nagdedepensang Creamline at Cignal HD sa magkakapareho nilang 2-0 baraha sa itaas ng Akari (2-1), Petro Gazz (2-1), Choco Mucho (2-1), ZUS Coffee (1-1), Chery Tiggo (1-1), Capital1 (0-2), N­xled (0-2), Farm Fresh (0-2) at Galeries Tower (0-3).

Nakalasap ang Crossovers ng 19-25, 25-20, 18-25, 21-25, kabiguan sa HD Spikers, habang yumukod ang Chameleons sa Thunderbelles, 25-19, 23-25, 22-25, 15-25, sa kani-kanilang mga hu­ling laro.

Muling babandera sina Ara Galang, Seth Rodriguez, Cess Robles at Mary Rhose Dapol para sa Chery Tiggo kontra kina Chiara Permentilla, Lycha Ebon, Lucille Almonte, May Luna, Krich Macaslang at Janel Maraguinot ng Nxled.

Sa unang laro, hangad naman ng PLDT na masolo ang liderato sa pagharap sa Capital1.

Nagmula ang High Speed Hitters sa 27-25, 25-22, 25-23 paggupo sa Highrisers sa kanilang huling laro tampok ang 28 points ni Fil-Canadian Savi Davison.

Nakatikim naman ang Solar Spikers ng 20-25, 24-26, 28-26, 9-25 kabiguan sa Flying Titans.

Samantala, lumipat si EJ Laure sa Nxled matapos umalis sa Chery Tiggo.

Isusuot ni Laure ang Chameleons jersey sa pagharap nila sa Crossovers.

 

Show comments