NU, Belen target ang UAAP back-to-back

MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni outside hitter at Alab Pilipinas standout Bella Belen sa tangka ng National University na maisakatuparan ang title repeat sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.

Mataas ang moral ng Lady Bulldogs dahil nasiguro nito ang matikas na three-peat sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-Season Championship.

Nagawa ito ng NU nang pataubin nito ng dalawang beses ang De La Salle University sa best-of-three championship series.

Ito ang unang titulo ni veteran coach Sherwin Meneses bilang head coach ng Lady Bulldogs.

At alam ni Meneses na malaking tulong ito para mas mapataas ang moral ng kanyang tropa sa kanilang title-defense sa UAAP.

“Magandang panalo ito dahil ito yung simula for UAAP. ‘Yun naman talaga ‘yung goal kaya sumali kami dito,” ani Meneses.

Matikas ang inilaro ni Belen sa buong kumperensiya para tanghaling Season MVP at First Best Outside Hitter sa liga.

“I’m very happy kasi nakamit namin yung goal namin for Shakey’s kasi isa rin ito para magi­ging stepping stone namin, preparation namin for the upcoming UAAP Season,” ani Belen.

Ngunit hindi pa tapos si Belen. Sesentro na ang atensiyon nito sa UAAP na magsisimula sa susunod na taon.

Alam ni Belen na lumakas ang lahat ng teams sa UAAP.

Subalit handa ang ka­nilang tropa na ibuhos ang lahat upang madepensahan ang kanilang korona.

Show comments