Karerista nagsaya sa panalo ng Happy Julliane

MANILA, Philippines — Napalaban ng todo ang Happy Julliane bago nasungkit ang panalo sa MARHO - Manila Horse Power Organization Trophy race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.

Nakipag-kaskasan ang Happy Julliane sa Angel’s Crown sa largahan kaya naman nagkapanabayan ang dalawa sa unahan sa kaagahan ng laban.

Bakbakan hanggang sa kalagitnaan ng karera bago kumuha ng unahan ang Angel’s Crown papalapit ng far turn at nakalamang ng kalahating kabayo sa Happy Julliane habang nasa pangatlo si Binibini.

Pagdating ng far turn ay umagaw ng unahan ang Angel’s Crown, nasa pangalawa ang Happy Julliane habang kumakapit na rin ang Go Uste at Binibini.

Hindi nagpabaya ang Happy Julliane na sinakyan ni jockey Jol Siego, muling dinikitan nito ang Angel’s Crown sa huling kurbada kaya naman sa rektahan ay nabawi nito ang unahan.

Umungos ang Happy Julliane sa bandang 50 metro ng karera at tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Queensland.

Nirehistro ng Happy Julliane ang tiyempong 1:26.6 minuto sa 1,400 meter race.

Show comments