MANILA, Philippines — Nakahanda ang pambato ng National University na sina reigning Most Valuable Player Alyssa Solomon at Bella Belen sa ilalaro ng De La Salle University sa Game 2 ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship.
Magsisimula ang bakbakan sa best-of-three finals sa alas-5 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum pagkatapos ng knockout battle for bronze sa pagitan ng University of Sto. Tomas at Far Eastern University sa ala-1 ng hapon.
Namumuro ang three-peat seeking, Lady Bulldogs sa pagsilo ng kampeonato matapos walisin sa tatlong sets ang Lady Archers, 25-16, 25-12, 27-25 sa Game 1 noong Biyernes sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.
“Siyempre excited kasi makakaharap ulit namin sila and siyempre babawi talaga ‘yan. Hindi sila papayag na matalo na lang. Magri-ready kami for them na magiging better pa kami sa ipinakita namin today (Game 1),” ani Solomon na umiskor ng 14 points sa Game 1.
Para sa Taft-based squad kailangan nilang manalo upang humaba pa ang kanilang buhay at masungkit ang inaasam na korona.