MANILA, Philippines — Nasungkit ng Adamson ang playoff para sa ika-apat na puwesto matapos igupo ang Ateneo, 69-55, kahapon sa huling araw ng elimination ng UAAP Season 87 men’s basketball sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Sa kanilang panalo, napantayan ng Soaring Falcons ang University of the East Red Warriors sa parehong 6-8 card sa team standing habang ang Blue Eagles ay tumapos sa ilalim tangan ang 4-10 record.
Magtatagpo ang Red Warriors at Soaring Falcons sa Miyerkules upang pag-agawan ang huling slot sa Final Four at makuha ang karapatang lumaban kontra sa top seed De La Salle Green Archers na hawak ang 12-2 card. Maghaharap naman ang University of the Philippines Fighting Maroons (11-3) at University Sto. Tomas Growling Tigers (7-7) sa isang semis match.
Dikitan ang naging labanan sa unang period kung saan ay hawak ng Soaring Falcons ang one-point lead, 16-15 papasok ng second quarter.
Nagpakita ng tikas ang Blue Eagles sa kaagahan ng second period nang maagaw nila ang lamang, 23-20 pero hindi nagpabaya ang Soaring Falcons, sumagot agad ng 10-0 run para mabawi ang bentahe, 23-30 may 4:12 minuto na lang sa first half.
Nanguna sa Falcons si Royce Mantua na may 14 markers.