NU nakauna sa La Salle

MANILA, Philippines — Kinapitan ng defending champions National University sina reigning Most Valuable Player Alyssa Solomon at Bella Belen upang lapain ang De La Salle University, 25-16, 25-12, 27-25 sa Game 1 ng kanilang best-of-three finals ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kagabi. 

Tumikada si Solomon ng 14 points habang si Bellen ang nahirang na MPV of the match matapos magtala ng 10 markers at 15 excellent sets upang walisin sa tatlong sets ang DLSU at mamuro sa inaasam na korona.

Ipinaramdam agad ng three-peat seeking Lady Bulldogs ang kanilang lakas matapos nilang sikwatin ang unang dalawang sets at lumapit sa pagwalis sa Lady Spikers.

Walang kahirap-hirap na sinikwat ng NU ang unang set at nagpatuloy ang pagdomina nila sa DLSU sa second frame upang hawakan agad ang seven-point lead, 12-5 sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.

Nagpakita rin ng husay ang Lady Spikers sa third frame nang ibaba nila sa isang puntos ang hinahabol, 16-17 matapos ang 4-0 run.

Nauna pa ang DLSU sa set point 24-23 at isa na lang ay makakahirit na sila ng fourth set game.

Subalit naging matatag ang Lady Bulldogs hindi nasira ang loob kaya naman naitakas nila ang mahirap na third set win.

Dahil sa panalo, nakabawi na ang Lady Bulldogs sa Taft-based squad na tumalo sa kanila sa apat na set nang magharap sila sa second round.

 

Show comments