MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang hangad ng Choco Mucho sa pagsagupa sa Capital1 Solar Energy sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Flying Titans ang Solar Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Chery Tiggo at Cignal HD sa alas-4 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Magkasosyo sa liderato ang PLDT at Akari sa magkatulad nilang 2-0 record kasunod ang nagdedepensang Creamline (1-0), Cignal (1-0), Chery Tiggo (1-0), ZUS Coffee (1-1), Petro Gazz (1-1), Choco Mucho (1-1), Capital1 (0-1), Farm Fresh (0-1), Nxled (0-2) at Galeries Tower (0-3).
Umiskor ang Flying Titans sa 27-29, 25-20, 25-19, 17-25, 15-12 panalo sa Highrisers matapos sumuko sa Gazz Angels, 20-25, 28-26, 21-25, 16-25, sa pagbubukas ng torneo.
Bumida si Kat Tolentino sa kanyang itinalang 27 points mula sa 20 attacks at pitong blocks bukod sa 10 excellent digs.
“Sabi ko nga sa mga players ko, ang sasandalan talaga namin ay ‘yung blocking namin. Kung ano pa ‘yung kailangan naming i-improve, pasensiya lang,” wika ni coach Dante Alinsunurin.
Nakalasap naman ang Solar Spikers ng 25-20, 23-25, 25-22, 18-25, 11-15 kabiguan sa Crossovers sa una nilang laban.
Bukod kina Tolentino at Pecaña ay muli ring aasahan ng Choco Mucho sina Sisi Rondina, Dindin Santiago-Manabat, Cherry Nunag at Mars Alba.
Itatapat ng Capital1 sina Leila Cruz, Iris Tolenada, Jorelle Singh, Des Clemente at Roma Mae Doromal.
Samantala, ipaparada ng Cignal si veteran libero Buding Duremdes sa pagharap sa Chery Tiggo.
Nagmula ang 5-foot-2 na si Duremdes sa Crossovers simula noong 2020 kung saan siya hinirang na 2022 Reinforced Conference Best Libero.