MANILA, Philippines — Lumiyab ang opensa ni Harold Alarcon upang akbayan ang University of the Philippines sa 77-67 panalo kontra sa University of the East sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumana si Alarcon ng career-high 33 points para sa Fighting Maroons na diniskaril ang Red Warriors sa nais na pagsampa sa Final Four.
Nasa pangalawang puwesto sa team standings ang UP na may 11-3 karta, habang solo sa tuktok ang defending champions De La Salle University (12-2).
Dahil sa pagkatalo ay hihintayin ng UE (6-8) ang resulta ng huling elimination match ng Adamson University (5-8) at Ateneo (4-9) sa Sabado.
Kapag nanalo ang Soaring Falcons sa Blue Eagles ay magkakaroon ng playoff game sa No. 4 spot kontra Red Warriors.
Nakitaan ng tikas ang UE sa first period nang hawakan 21-15 abante.
Subalit hindi hinayaan ng UP na mabuo ang kumpiyansa ng karibal at nag-init sa second quarter upang maagaw ang 41-37 halftime lead.
Humataw ang Fighting Maroons sa fourth canto patungo sa 74-63 pagtambak sa Red Warriors sa huling 33.8 segundo.