Nxled binawian ng ZUS Coffee
MANILA, Philippines — Bumawi ang ZUS Coffee mula sa unang kabiguan matapos talunin ang Nxled, 19-25, 25-23, 25-22, 25-15, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Pumalo si veteran Jovelyn Gonzaga ng 23 points mula sa 20 attacks at tatlong blocks para sa 1-1 record ng Thunderbelles ni coach Jerry Yee.
Bagsak sa 0-2 marka ang Chameleons ni Italian mentor Ettore Guidetti.
“Sobrang happy ako na naipanalo namin itong game. Actually, hindi siya for me. It’s a total team effort,” sabi ng 33-anyos na tubong Jordan, Guimaras. “Nag-step-up iyong mga bata, and credit to them.”
Nagdagdag si No. 1 overall pick Thea Gagate ng 16 markers galing sa 10 attacks, limang blocks at isang service ace para sa ZUS Coffee na nakahugot kay Cloanne Mondonedo ng 17 excellent sets.
Binanderahan ni Chiara Permentilla ang Nxled sa kanyang 19 points mula sa 17 attacks, isang block at isang ace, habang may 12 markers si Lucille Almonte.
Bumangon ang Thunderbelles mula sa first set loss, 19-25, matapos agawin ang 2-1 bentahe.
Pagdating sa fourth set ay ipinakita nila ang dominasyon sa Chameleons na nalugmok sa 4-14 matapos ang crosscourt attack ni Arroyo.
Tuluyan nang nakalayo ang ZUS Coffee sa 20-7 matapos ang block point ni Gonzaga kay May Luna ng Nxled.
“Sabi nga ni ate Jovs (Gonzaga) na lahat kami may talent and potential, kailangan lang namin puliduhin as a team para makuha iyong panalo,” wika ng 6-foot-2 na si Gagate.
Sunod na lalabanan ng Thunderbelles ang Galeries Tower Highrisers sa Nobyembre 28.
Sa Nobyembre 26 naman sasalang ang Chameleons kontra sa Chery Tiggo Crossovers.
- Latest