Party atmosphere sa ASICS Rock ‘n’ Roll Running Series sa Manila
MANILA, Philippines — Ilalatag ng Lungsod ng Maynila ang ‘red carpet’ para sa 3rd ASICS Rock ‘n’ Roll Running Series Manila na inihahandog ng AIA na pakakawalan sa Sabado at Linggo sa Rizal Park.
Bukod sa nakalatag na 5K, 10K, 21K at 42K categories para sa mga marathon at half-marathon ay makakaranas din ang higit sa 9,000 partisipante mula sa 58 bansa ng isang party atmosphere.
“With music and Manila’s iconic landmarks, this is a celebration of the city – its resilience, history and aspirations for the future,” ani Princess Galura, ang general manager at regional director ng nag-oorganisang IRONMAN Group Philippines, kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Robinson’s Place Manila.
Magliliwanag ang mga kalsada ng Maynila para sa karerang magsisimula sa KM 0 at dadaan sa Intramuros, National Museum, Jones Bridge at Chinatown at magtatapos sa Quirino Grandstand.
Nakasama ni Galura sa formal kickoff event sina Manila Vice Mayor Yul Servo, Melissa Henson, ang chief marketing officer ng AIA Philippines; Charlie Dungo ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila; at Rustica Faith So, ang Senior Brand Communications Executive ng ASICS.
Nagbahagi si Shina Buxani ng ASICS ng isang videotaped message sa PSA Forum na inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO at 24/7 sports app Arena Plus.
Inilarawan ni Mayor Honey Lacuna ang naturang marathon bilang isang testamento sa pag-unlad ng Maynila, na binibigyang-diin ang kahandaan nitong mag-host ng world-class na mga kaganapan bilang isang kultural at pandaigdigang destinasyon.
- Latest