MANILA, Philippines — Halos kumpleto na ang mga imports na paparada sa darating na Season 49 PBA Commissioner’s Cup na didribol sa Nobyembre 27 tampok ang title defense ng San Miguel.
Si two-time PBA Best Import Rondae Hollis Jefferson ang muling gagabay sa TNT Tropang Giga gayundin si three-time Best Import awardee Justine Brownlee para sa Barangay Ginebra.
Ilang reinforcements din ang magbabalik sa mid-season conference kung saan walang height limit ang mga imports.
Ang mga ito ay sina Quincy Miller ng San Miguel, George King ng Blackwater at Ricardo Ratliffe ng Magnolia.
Mga bagong mukha ang isasalang ng Meralco, NorthPort, Converge, Rain or Shine, Phoenix at Terrafirma, habang naghahanap ang NLEX ng kapalit ni NBA veteran Ed Davis na nagkaroon ng family emergency sa US.
Sasandal ang Bolts kay 6-foot-9 American-Panamanian Akil Mitchell na gumiya sa kanila sa 81-80 panalo kontra sa reigning Korean Basketball League (KBL) champion Busan KCC Egis sa EASL.
Tinapik ng Batang Pier si 6’11 Kavell Bigby-Williams na dating miyembro ng Great Britain men’s national team at pinsan ni dating world heavyweight champion Lennox Lewis.
Kinuha ng FiberXers si NBA player Cheick Diallo at aasahan ng Elasto Painters si dating Cameroonian national team member Kenneth Kadji.
Hinugot naman ng Fuel Masters si 6’9 Donovan Smith, samantalang sasandal ang Dyip kay dating Great Britain men’s national team member Ryan Richards.