Knicks hiniya ang Nets
NEW YORK — Humakot si center Karl-Anthony Towns ng 26 points, 15 rebounds at 6 assists para gabayan ang Knicks sa 114-104 paggupo sa Brooklyn Nets.
Nag-ambag si OG Anunoby ng 24 points para sa New York (7-6) na nauna nang tinalo ang Brooklyn (5-9) noong Biyernes kung saan hindi naglaro si Towns dahil sa bruised left knee.
May 21 markers si Mikal Bridges at kumolekta si Josh Hart ng 20 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Knicks na nakahugot kay Jalen Brunson ng 12 points at 10 assists.
Sa Cleveland, nagsalpak si Darius Garland ng 25 points sa 128-114 pagpapabagsak ng Cavaliers (15-0) sa Charlotte Hornets (5-8).
Sa Los Angeles, umakyat si James Harden sa second place sa NBA career three-point list at tumapos na may 20 points at 11 assists sa 116-105 panalo ng Clippers (7-7) sa Utah Jazz (3-10).
Sa Oklahoma City, nagkadena si P.J. Washington ng 27 points at career-high 17 rebounds para tulungan ang Dallas Mavericks (7-7) sa 121-119 pagtakas sa Thunder (11-3) bagama’t hindi naglaro si star guard Luka Doncic.
Sa Chicago, umiskor si Fred VanVleet ng season-high 28 points habang naglista si Alperen Sengun ng triple-double na 20 points, 11 rebounds at 11 assists sa 143-107 pagpulutan ng Houston Rockets (10-4) sa Bulls (5-9).
Sa Memphis, naglista si Jaren Jackson ng 20 points sa 105-90 paggupo ng Grizzlies (8-6) sa Denver Nuggets (7-5).
Sa Washington, nagkuwintas si Cade Cunningham ng triple-double na 21 points, 10 assists at 10 rebounds sa 124-104 paggulpi ng Detroit Pistons (7-8) sa Wizards (2-10).
Sa Indianapolis, nagpasabog si Myles Turner ng season-high 34 points para igiya ang Indiana Pacers (6-7) sa 119-110 pagpapalamig sa Miami Heat (5-7).
- Latest