Birchton pang stakes race ang takbo

MANILA, Philippines — Pang malalaking stakes races ang ipinakitang husay ng Birchton sa pista matapos dominahin ang 2024 PHILRACOM 2nd Leg ‘3-Year-Old I­mported/Local Challenge’ race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Walang kahirap-hirap na sinunggaban ng Birchton ang unahan sa largahan upang hawakan agad ang tatlong kabayong agwat sa humahabol na Perfect Shot.

Umalagwa pa sa anim na kabayo ang bentahe ng Birchton pagdating sa kalagitnaan ng karera, nasa pangalawang puwesto ang Perfect Shot, pangatlo ang Beautiful Liana habang malayong pang-apat ang Monrovian Belle.

Parang walang kalaban ang Birchton habang binabaybay mag-isa ang unahan kaya naman sa rektahan ay beripikadong siya na ang mananalo dahil nagkukumahog na ang kanyang mga katunggali.

Tinawid ni Birchton ang meta ng may mahigit 10 kabayo ang agwat sa pumangalawang Perfect Shot, pangatlo ang Beautiful Liana habang pumang-apat ang Monrovial Belle.

Sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, nirehistro ng Birchton ang tiyempong 1:53 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Feli­zardo Sevilla ang P600,000 na premyo.

Show comments