UP diniskaril ang pag-asa ng FEU
MANILA, Philippines — Nais ng University of the Philippines na magkaroon ng momentum kahit pasok na sila sa semifinals kaya naman itinodo pa rin nila ang kanilang lakas para payukuin ang Far Eastern University, 86-78 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan kahapon.
Nagsanib puwersa sina co-captain Gerry Abadiano at JD Cagulangan upang tulungan ang Fighting Maroons ilista ang 10-3 karta at manatili sa pangalawang puwesto sa team standings.
Tinapos ng Fighting Maroons ang kanilang two-game losing skid at tinuldukan din nila ang asam ng Tamaraws na makapasok sa Final Four.
“Every time we have a game like this, where we have to battle it out in the end, it makes you proud as a coach. Especially coming off two losses, seeing the heart of the players was great,” ani UP head coach Goldwin Monteverde.
Nanguna sa opensa para sa Fighting Maroons si Abadiano na kumana ng 19 points, apat na rebounds, dalawang steals, at isang assist habang 12 puntos, pitong boards, at tig-apat na assists at steals ang tinipa ni Cagulangan.
Tumulong din sa opensa para sa UP si Francis Lopez na may 12 points, apat na steals, apat na assists at tatlong rebounds habang si Aldous Torculas ay naglista ng 11 markers at anim na rebounds.
Nabigo si FEU head coach Sean Chambers sa nais na makalaro ang kanyang mga bataan sa semifinals sa kanyang unang taon, tumapos sila sa 5-9 record at ungusan ng FEU ang kanilang baraha noong nakaraang taon, (3-11).
Solo sa tuktok ng team standings ang defending champions De La Salle University tangan ang 12-2 record.
Umiskor si Jorick Bautista ng 16 points, dalawang rebounds at isang steal habang nag-ambag si Janrey Pasao ng 15 puntos, walong boards at tatlong blocks para sa Tamaraws.
- Latest