MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng Mapua University ang top seeding sa Final Four ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament matapos ang 75-69 panalo sa sibak nang Arellano University kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang nine-game winning streak ng Cardinals ang nagtaas sa kanilang baraha sa 15-3 para ang kinin ang No. 1 spot sa semifinals katapat ang No. 4 Lyceum Pirates (10-8).
Lalabanan ng No. 2 St. Benilde (14-4) ang No. 3 at nagdedepensang San Beda (11-7) sa Final Four na nakatakda sa Sabado.
Parehong may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ang Mapua at St. Benilde kontra sa Lyceum at San Beda, ayon sa pagkakasunod.
“Mas kailangan pa naming pagbutihin ‘yung preparation sa Final Four. As much as possible, doble or triple pa gawin naming effort,” ani Cardinals’ coach Randy Alcantara na nakakuha kay Chris Hubilla ng 12 points, 9 rebounds at 3 assists.
Tumapos si Clint Escamis na may 12 markers, 5 boards, 3 assists at 3 steals para sa 15-3 record ng Cardinals.
Inilista ng Mapua ang 20-point lead, 53-33, sa third quarter hanggang makahabol ang Arellano at nakalapit sa 69-72 sa dulo ng final canto.
Ang dalawang free throws ni Escamis ang sumelyo sa pagwalis ng Cardinals sa second round.