MANILA, Philippines — Tuluyan nang kinumpleto ng Lyceum of the Philippines University ang Final Four matapos lusutan ang College of St. Benilde, 82-81, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagsalpak si Ato Barba ng game-high 27 points para sa 10-8 baraha ng Pirates patungo sa kanilang ikalawang sunod na semifinals stint.
“I’m very proud and happy for my players for giving their best,” wika ni coach Gilbert Malabanan sa kanyang tropa na inangkin ang No. 4 spot.
Maaari namang mahulog ang Blazers (14-4) sa No. 2 kung mananaig ang Mapua Cardinals (14-3) sa sibak nang Arellano Chiefs (7-10) ngayong alas-11 ng umaga sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kung magtatapos na may parehong 14-4 record ang St. Benilde at Mapua ay makakamit ng Taft-based team ang No. 1 berth dahil sa higher quotient at lalabanan ang Lyceum sa Final Four.
Kinuha ng Pirates ang 16-point lead, 39-23, bago nakadikit ang Blazers sa 81-82.
Ngunit mintis ang bonus free throw ni St. Benilde center Allen Liwag.
Samantala, tinalo ng Emilio Aguinaldo College ang Jose Rizal, 73-66.