MANILA, Philippines — Ang ikaapat at huling Final Four berth ang pakay ng Lyceum of the Philippines University sa pagsagupa sa College of St. Benilde sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Pirates ang Blazers ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang bakbakan ng Emilio Aguinaldo College Generals at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Magkasosyo sa liderato ang St. Benilde at Mapua sa magkatulad nilang 14-3 record kasunod ang nagdedepensang San Beda (10-7), Lyceum (9-8), EAC (8-9) at mga sibak nang Letran (8-10), Arellano (7-10), Perpetual Help (7-11), San Sebastian (5-12) at Jose Rizal (4-13).
Ang panalo ng Pirates, nasa three-game winning streak, ang bubuo sa Final Four kasama ang Blazers, Cardinals at Red Lions.
Umiskor ang Lyceum ng krusyal na 74-65 panalo sa EAC tampok ang 11 points ni rookie Jonathan Daileg sa kabuuan ng fourth quarter.
Nagmula naman ang St. Benilde sa 70-62 paggiba sa San Beda para makabalik sa porma matapos wakasan ng Mapua ang kanilang seven-game winning run.
Sakaling manalo ang Blazers sa Pirates at manaig ang Cardinals sa Chiefs bukas sa Cuneta Astrodome sa final play date ng eliminations ay makukuha pa rin ng St. Benilde ang No. 1 seat sa semis bunga ng kanilang higher quotient sa Mapua.
Ang posibleng senaryo, lalabanan ng Blazers ang sinuman sa Pirates o Generals sa semifinals, habang makakatapat ng Cardinals ang Red Lions.