MANILA, Philippines — Nakalasap ng matinding bakbakan ang Constatic Offer bago nasilo ang panalo sa “2nd Leg Juvenile” stakes race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Hinablot agad ng Constatic Offer ang unahan paglabas ng aparato pero kinapitan agad ito ng Coming Earli at magka-kuwadrang Eugene Bell at Midnight Bell.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay kumuha ng unahan ang Midnight Bell na sa bandang labas dumaan habang nanatili sa tabing balya ang Constatic Offer na sinakyan ni class A rider O’Neal Cortez.
Subalit hindi ito hinayaan ng Constatic Offer na makaporma ang Midnight Bell kaya habang papalapit sa home turn ay binawi agad ng winning horse ang bandera.
Pagsapit sa rektahan ay umungos ang Constatic Offer ng isang kabayo sa Midnight Bell at sa huling 100 metro ng karera ay tuluyan ng lumayo ang sakay ni Cortez.
Tinawid ng Constatic Offer ang meta ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang Midnight Bell, tersero ang Coming Earli habang pumang-apat ang Easy Money.
Nasungkit ng winning horse owner na si Antonio Tan ang P1,080,000 premyo habang napunta kay Midnight Bell ang second place prize na P360,000.