MANILA, Philippines — Papalo ng bola ang Ateneo de Manila University sa battle for fifth matapos nilang kaldagin ang University of the East, 25-21, 25-17, 25-22 sa 2024 Shakey’s Super League collegiate pre-season championship classification round na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum, kahapon.
Makakalaban ng Blue Eagles sa susunod na round ang College of Saint Benilde sa Nobyembre 16 habang makakatapat ng Lady Warriors ang University of the Philippines sa classification para sa seventh hanggang eighth place.
Nakitaan ng husay si setter Taks Fujimoto, maganda ang pamamahagi nito ng bola para sa Blue Eagles kaya naman magaan nilang tinalo ang Lady Warriors sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
“I think this classification is about proving ourselves, proving that we can fight even though it’s not the championship. But along the way we learn and I know naman we can show coach Sergio’s (Veloso) system,” ani Fujimoto na tumikada ng tatlong puntos at 12 excellent sets.
Nilista nina Geezel Tsunashima at Lyan De Guzman ang tig 11 at 10 markers ayon sa pagkakasunod para sa Blue Eagles na tinapos ang Lady Warriors sa loob lang ng isang oras at 35 minuto.
Tumulong din sa opensa para sa Ateneo ang AC Miner at Faye Nisperos ng tig pitong puntos.